Philippine Team, wagi sa Little League Softball World Series

PHOTO: Little League Philippines’ FB account

Wagi ang Philippine Team na binubuo ng mga batang atleta mula sa Negros Occidental sa Little League Softball World Series na ginanap sa Portland, Oregon noong August 7 hanggang 16.

Silver medal ang inuwi ng Majors Team na binubuo ng mga elementary school students ng Education and Training Center School sa Bacolod City, Negros Occidental.

Ang kaparehong koponan ay ang itinanghal na champion sa Little League Asia-Pacific Softball Tournament na ginanap naman sa Singapore noong June 13 to 21.

Masayang binati ni Department of Education Secretary Leonor Briones ang pambansang koponan.

Aniya, ang mga katangiang nakukuha ng mga batang Pilipinong atleta kagaya ng hardwork, disiplina, at camaraderie ang nais nilang matutunan ng mga mag-aaral hindi lamang sa tuwing Palarong Pambansa, ngunit maging sa tunay na buhay.

Ayon naman kay Assistant Secretary for Legislative Affairs, Partnerships and External Linkages, and School Sports Atty. Tonisito Umali, isang inspirasyon ang mga batang atleta.

Aniya, habang pinapanood ang mga ito ay napagtanto niya na malayo na ang narating ng Pilipinas sa larangan ng sports dahil hindi lamang lumalaban sa international competition ang mga ito, ngunit nananalo pa.

Ani Umali, isa itong pagpapakita na malaki ang potensyal ng mga kabataang Pilipino pagdating sa larangan ng sports.

Sinigurado rin ni Umali na patuloy na tutugunan ng DepEd ang mga pangangailangan ng mga student-athletes upang maslalo pang ma-develop ang kanilang mga potential.

Samantala, nanalo rin ang Seniors Team na binubuo naman ng mga atleta mula sa Domingo Lacson National High School in Bacolod.

Ang naturang koponan ay tinanghal na champion ng Little League Asia-Pacific Softball Tournament na ginawa sa Singapore, at nakakuha ng ikalawang pwesto sa Little League Softball World Series na ginanap naman sa Sussex, Delaware noon July 26 hanggang August 6.

Sa ngayon, naghahanda na ang pambansang koponan para lumaban sa Asia Pacific Schools Games na gaganapin naman sa Australia sa December ngayong taon.

Read more...