DOH, pinasasama sa listahan ng mandated medicine ang vaccine para sa Japanese encephalitis

Nais ng Department of Health na maidagdag ang vaccine para sa sakit na Japanese encephalitis sa listahan ng ‘publicly mandated’ at available na vaccines sa susunod na taon.

Ayon kay DOH Sec. Paulyn Ubial, plano nilang irekomenda ang vaccine para sa mosquito-borne disease na mapabilang sa national immunization program ng bansa sa 2018.

Layunin aniya ng ahensya na pataasin ang public awareness laban sa naturang sakit na hindi naman laganap pero nakapagtatala ng mataas na fatality rate.

Dagdag pa ni Ubial, limitado lamang ang vaccine para sa sakit, at aabot sa P3,500 hanggang P5,000 ang presyo ng isang piraso.

Samantala, naitala na ng DOH ang aabot sa 57 na kaso ng Japanese encephalitis sa buong bansa simula January hanggang August 5 ngayong taon.

Lima aniya sa naturang bilang ng kaso ay nauwi sa kamatayan.

Aabot sa dalawampu’t siyam ang naitala na kaso ng Japanese encephalitis sa Pampanga kung isang menor de edad ang namatay noong nakaraang Agosto.

Sinabi din ni Ubial na sa ngayon ay hindi pa nila makumpirma ang ulat na Japanese encephalitis din ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang bata sa Laguna kamakailan.

Read more...