MMDA, magpapatupad ng iba’t ibang traffic measures ngayong Christmas Season
Dahil sa inaasahang pagbigat lalo ng trapiko sa Metro Manila dahil sa nalalapit na Kapaskuhan, magpapatupad ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng iba’t ibang traffic schemes.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialogo, naghahanda na ang tanggapan upang mabawasan ang hirap ng mga motorista sa ganitong panahon.
Kabilang anya sa mga ipapatupad ng MMDA ay ang moratorium sa mga road repairs, daytime delivery ban, pagpapaliban sa mall sales at patok na events sa publiko tuwing weekdays at pagpapaadjust sa mall owners ng operating hours nito.
Makikipagpulong na anya ang mga opisyal ng MMDA sa mga mall at commercial establishment owners sa Metro Manila para pag-usapan kung ano ang mga pwedeng gawin para maibsan ang trapiko at kailan ito kayang maipatupad.
Ani Pialago, tumataas sa 10 hanggang 15 percent ang volume ng mga sasakyan sa EDSA tuwing papasok ang “Ber” months.
Nakakadagdag din anya sa trapiko ang shopping malls na nasa kahabaan ng EDSA na umaabot sa 16.
Exempted naman sa delivery ban ang mga ‘perishable goods’ tulad ng mga pagkain at produktong may yelo tulad ng ice cream.
Nilinaw naman ng ahensya na exempted din sa moratorium sa road repairs ang mga proyekto ng gobyernong kailangang tapusin agad sa ilalim ng MMDA Ordinance No. 2, Series of 1991.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa Department of Public Works and Highways at iba pang concerned agencies para masigurong maayos ang mga kalsada ngayong Holiday season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.