Sa isang video mula sa pulisya ng Datu Salibo noong August 29, ay makikita ang ilang mga armadong kalalakihan na nagpapaputok ng kanilang mga baril.
Kinilala ang naturang grupo bilang Jamaatu Al-Muhajireen Wal Ansar na isang paksyon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o B-I-F-F.
Ang naturang grupo ay tagasuporta ng Maute group.
Nabawi ng naturang grupo ang kanilang kampo sa Datu Salibo bagaman mayroong joint operations ang Moro Islamic Liberation Front o MILF at ang tropa ng pamahalaan sa lugar.
Ayon sa MILF, simula pa noong August 6 ay sinusubukan na nilang malupig ang naturang grupo.
Dagdag pa ng MILF, hindi bababa sa labindalawa sa kanilang bilang ang namatay simula august 6.
Samantala, hindi naman bababa sa dalawampung miyembro ng naturang paksyon ng BIFF ang napatay na ng MILF.
Una nang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkabahala sa spillover ng kaguluhan sa Marawi sa iba pang bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa talumpati ng pangulo sa unang founding anniversary ng Eastern Mindanao Command sa Davao City, sinabi niya na pinag-iisipan na niyang tapusin ang Martial Law sa Mindanao bago pa ang December 31, pero nagbago ang isip niya dahil sa sitwasyon sa Buldon, kung saan isang daang armadong kalalakihan ang namataan.