Bato, nilinis ang pangalan ni Espenido sa pagkamatay ni Prevendido

Naglinaw si Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa na ang provincial police office ang may kredito sa pagkakapatay sa No. 1 drug lord sa Iloilo nitong biyernes ng gabi. Pahayag ito ni Dela Rosa kasunod ng pagkakapatay sa itinuturong drug lord na si Richard Prevendido makaraan umanong manlaban habang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa kanya. Nabalot ng pagdududa ang pagkakapatay kay Prevendido dahil sa napipintong pagkakatalaga kay Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City. Paglilinaw ni General Bato, ang pagkakapatay sa umanoy drug lord ay bunga ng pagsisikap ng Iloilo provincial office. Aniya pa, matagal nang wanted si Prevendido na imbes sumuko ay nagmatigas at lumaban sa otoridad. Napatay din aniya ang drug suspect sa Jaro at hindi naman sa Iloilo City. Kasabay nito, nilinaw ni General Dela Rosa na magsisilbing OIC lamang ng Iloilo City si Espenido pero mananatili ito sa Ozamiz City Police. Magsisilbi umano ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Iloilo Provincial Police Office kasama ang Iloilo City Police sa isang abandonadong bahay sa Landheights Subdivision, Barangay Balabago sa Jaro District. Dito na nakipag-barilan si Prevendido sa otoridad dahilan para mapatay ito gayun din ang kasamang pamangkin na nakilalang si Jason Prevendido.

Read more...