WATCH: Mga bakwit mula Marawi, nakatanggap ng regalo at pagkain

Aabot sa apatnapung bakwit mula sa Marawi City ang binigyan ng mga pagkain at ilang regalo, sa lungsod ng Maynila kasabay ng paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.

Pinangunahan ng Philippine Army Community Support Team, Quiapo Church at lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng relief goods sa mga bakwit na lumuwas ng Maynila bunsod ng bakbakan sa Marawi City.

Ayon kay Major Jeoffrey Braganza, ang hakbang ay isa lamang sa mga tulong na maibibigay nila sa mga apektado ng giyera sa siyudad.

Maganda rin aniya na maiparamdam sa mga bakwit na hindi sila nag-iisa sa paghahangad ng kapayapaan.

Bagama’t may natatanggap na kaunting tulong, sinabi ni Braganza na mas marami pang ayuda ang kailangan ng mga bakwit.

Kabilang na aniya rito ang pabahay matapos masira ang kani-kanilang mga tahanan sa Marawi City, at pangkabuhayan upang magtuluy-tuloy ang naisin nilang makabangon mula sa bangungot ng bakbakan.

Ngayong araw ang 102nd day ng krisis sa Marawi City, na nagsimula dahil sa pag-atake ng Maute terror group.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...