Commuters group umaasa na magkakaroon ng pagbabago sa deployment ng HPG sa EDSA
Hindi kinunsulta ng pamahalaan ang hanay ng mga commuters kaugnay sa magiging papel ng Highway Patrol Group sa pagmamando ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA simula sa lunes.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Center for Commuter Safety and Protection President Elvie Medina na mahalagang marinig rin ang boses ng mga pasahero sa pagpapatupad ng disiplina sa mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA.
“Bagama’t naniniwala kami na may bagong gagawin ang PNP-HPG para maayos ang daloy ng trapiko sa EDSA, dapat ay pinapakinggan din nila an gaming tinig dahil kami ang dahilan kung bakit mayroong public transport sa bansa”, ayon kay Medina.
Ipinaliwanag din ni Medina na dapat ay pinag-aralan ng husto ang gagawing pag-gamit sa kahabaan ng C5 Road bilang alternatibong daan para sa mga provincial buses.
Ayon sa opisyal ng commuters group, “ngayon nang wala pang dumadaan na mga bus sa C5 ay buhol-buhol na ang daloy ng trapiko isipin nyo na lang kung ano ang magiging itsura nito kapag dito pa idinaan ang mga provincial buses, tiyak na lalong mas malaking problema ito”.
Umapela rin sa hanay ng mga commuters si Medina na makiisa sa pagpapatupad ng disiplina sa EDSA para maging maluwag ang daloy ng mga sasakyan kasabay ang panawagan sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na iwasan din ang kanilang nakagawiang diskarte na mahilig sumingit kung saan-saan na nagiging dahilan ng buhol-buhol na daloy ng trapiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.