Humingi ng kapatawaran ang customs broker na si Mark Ruben Taguba II kina presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Manases Carpio, kaugnay sa umano’y pagkakadawit ng dalawa sa 6.4 billion peso shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs o BOC.
Sa isang statement, inabswelto na ni Taguba sina Duterte at Carpio mula sa anumang isyu ng kurapsyon sa BOC.
Ayon kay Taguba, walang kinalaman sina Duterte at Carpio sa pagkakapuslit ng mga ilegal na droga, at lalong hindi sangkot sa anumang anomalya sa BOC.
Sinabi ni Taguba na taus-puso siyang humihingi ng tawad kina Vice Mayor Pulong at Carpio, na mister ni Davao City Mayor Sarah Duterte.
Itinanggi naman ni Taguba ang aniya’y “fake news” na lumabas sa social media kaugnay sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee.
Aniya, ang umano’y pagkakasabit nina Duterte at Carpio sa kontrobersiya ay pawang “hearsay” lamang.
Ang pangalan ng dalawa, ani Taguba, ay nabanggit lamang ng tinaguriang Davao group.
Sa naunang pahayag ni Taguba, humingi raw si Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera Jr. ng limang milyong piso bilang proteksyon mula kay Vice Mayor Duterte.
May ipinakita rin itong text message mula raw sa isang “Tita Nannie” kung saan nabanggit ang “P” o patungkol daw kay Vice Mayor Paolo o Pulong, at “Mance” o si Atty. Carpio.