Taxi driver na dati nang nabigyang parangal, sumaklolo sa pasaherong muntik manakawan
Muling nagpakita ng kaniyang kagitingan ang isang taxi driver na dati nang nabigyan ng pagkilala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa pagsasauli ng malaking halaga na naiwan ng dayuhan niyang pasahero sa kaniyang sasakyan.
Sa pagkakataong ito, hindi nagdalawang-isip ang taxi driver na si Fermin Adelan na ibuwis ang sariling buhay nang habulin ang kapwa niya driver ng taxi na tumangay sa mga gamit ng isang ginang.
Sa kwento ni Ginang Antonio Viñas, pinara niya ang isang taxi sa isang terminal ng bus sa EDSA-Cubao, pasado alas 12:00 ng madaling araw ng Biyernes at magpapahatid sana sa Antipolo.
Sinabihan umano siya ng driver na si Cirilo Paredes na ilagay na ang mga bagahe niya at bag sa loob ng taxi, pero nang maipasok ang mga gamit, bigla nang humarurot ang sasakyan tangay ang kaniyang mga gamit.
Eksakto namang naroroon din sa lugar si Adelan at agad nagpasyang habulin ang taxi ni Paredes.
Inabutan ni Adelan si Paredes dahilan para mabawi ang mga gamit ng ginang na naglalaman ng laptop, P40,000 cash at mga organic products na kaniyang ginagamit sa negosyo.
Si Adelan ay dati nang pinaralangan ng LTFRB dahil isinauli nito ang P3 million na cash na naiwan ng pasahero niyang dayuhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.