Dagdag na isa pang bagon sa MRT train, susubukan sa susunod na buwan
Magdaragdag ng isa pang bagon sa bawat tren ang Metro Rail Transit (MRT) 3.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez, mula sa kasalukuyang tatlong bagon ng isang tren, gagawin nila itong apat.
Sa buwan aniya ng Oktubre planong simulan ang eksperimento at aalamin kung makatutulong ito para mabawasan ang araw-araw na mahabang pila ng mga pasahero.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Chavez na kapag naging apat na ang bagon ng isang tren, tataas sa 1,450 ang dami ng bilang ng mga pasahero na maisasakay ng bawat bumibiyaheng tren.
Kahit mas hahaba ang tren dahil sa madaragdag na bagon, sinabi ni Chavez na target nilang mapanatili sa apat na minuto ang waiting time sa pagdating ng tren.
Una nang sinabi ng DOTr na sa ngayon, nasa proseso na sila ng pag-terminate ng kontrata ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) na service provider ng mga tren.
Ito ay dahil sa kabiguan ng nasabing service provider na tuparin ang mga isinasaad sa kontrata nila sa pamahalaan.
Kabilang dito ang bilang ng mga tren na dapat ma-dispatch kapag peak hours.
Maging ang pagmentina aniya sa mga tren na dapat ay ginagampanan ng BURI ay hindi natutupad dahilan kaya sa araw-araw ay 3 hanggang 4 na beses na may tumitirik na tren.
Tatlong opsyon naman ang pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan sa sandaling ma-terminate na ang kontrata ng BURI.
Una ay ang magsagawa ng public bidding para pumili ng bagong service provider.
Ikalawa ay ang ikunsidera ang alok ng negosyanteng si Robert John L. Sobrepeña na muling pamunuan pagpapatakbo ng MRT.
At ikatlo ay ang alok ng isa pang negosyante na si Manny Pangilinan na i-maintain, i-operate, i-rehabilitate at saluhin ang lahat ng obligasyon ng gobyerno kaugnay sa pagpapatakbo ng MRT.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.