Walang balak si C/Insp. Jovie Espenido na magmadaling maupo bilang bagong hepe ng pulisya sa Iloilo City.
Ito ay kahit na nilagdaan na kamakailan ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang order na nag-aatas kay Espenido na maupong OIC ng naturang police station.
Paliwanag ni Espenido mananatili muna siya sa Ozamiz PNP dahil marami pang trabaho ang kinakailangan na tapusin.
Halimbawa na lamang aniya ang pagtugis sa kapatid ng napaslang na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na si Arthur Parojinog na sangkot din umano sa operasyon ng ilegal na droga.
Si Arthur Parojinog aniya ay matindi ang mga ginagawang iligal na aktibidad sa lungsod at nananatiling buhay pa.
Bukod dito sinabi ni Espenido na hina-hunting din niya ang pamangkin ni dating Mayor Parojinog na lider ng “Martilyo Gang”.
Sa ngayon ayon kay Espenido sana maintindihan siya ng mga residente ng Iloilo City na hinihintay ang kanyang pagdating.
Kinakailangan niya muna raw na mag-focus sa kanyang trabaho bilang hepe ng pulisya sa Ozamiz City.
Hindi pa matukoy ni Espenido kung kailan siya eksaktong lilipat sa lungsod ni Mayor Jed Mabilog.