Kasabay ng pananalasa ng El Niño phenomenon sa malaking bahagi ng bansa ay ang pagtaas naman ng bilang ng mga tinatamaan ng dengue.
Ipinaliwanag ni Department of Health spokesman Dr. Lyndon Lee Suy na inaasahan na nila ang paglobo pa sa bilang ng mga tatamaan ng dengue lalo na kung hindi mag-iingat ang publiko sa pag-iimbak ng tubig.
Mula noong buwan ng Enero hanggang sa nakalipas na buwan ng Agosto ay nakapagtala ng Health Department ng kabuuang 55,099 na kaso ng dengue sa ibat-ibang panig ng nating bansa.
Mas mataas ang nasabing bilang ng 9.15% kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2014.
Sinabi naturang opisyal na karaniwang tumataas ang kaso ng dengue kasabay ng kakapusan ng supply ng tubig dahil napipilitan ang publiko na mag-ipon ng tubig sa mas mahabang panahon.
Ipinaliwanag rin ni Lee Suy na dapat ay laging takpan ang mga naka-imbak na tubig para hindi pamahayan ng mga lamok at iba pang uri ng mga insekto.
Samantala, sinabi naman ng Maynilad at ng Manila Waters na aabot sa mahigit sa 300,000 na mga kabahayan sa ilalim ng kanilang operational franchise ang direktang apektado ng El Niño phenomenon.
Tiyak na raw na makararanas ang mga ito ng mahinanang water pressure at kung minsan ay tuluyang kawalan ng tubig sa kani-kanilang mga gripo depende sa magiging epekto ng inaasahang tag-init.
Mula sa dating 41 cubic meters per second ay binawasan na ng Maynilad at Manila Waters ang water pressure para sa mga residential areas sa 38 cubic meters per second.
Base ito sa naging kautusan ng National Water Resources Board para hindi masaid ang tubig na isinu-supply ng Angat Dam sa Bulacan.
Buwan pa lamang ng Hunyo ay inihinto na rin ng Angat Dam ang pagbibigay ng tubig sa mga agricultural lands sa Bulacan at Pampanga para hindi naman kapusin ang supply ng tubig ng mga taga-Metro Manila.
Ayon sa NWRB, 97-percent ng tubig na ginagamit sa Metro Manila ay galing sa Angat Dam kaya’t mahalagang maging kalkulado ang paglabas ng tubig mula sa naturang water reservoir.