BOC pinabubuwag; Kamara inirekomendang palitan ito ng bagong revenue collection agency

By Erwin Aguilon August 31, 2017 - 08:50 AM

Inilabas na ng Committe on Dangerous Drugs ng House of Representatives ang committee report na nabuo nito matapos ang isinagawang imbestigasyon sa pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 billion na halaga ng shabu.

Sa report ng komite, kabilang sa rekomendasyon ay palitan na ang Bureau of Customs (BOC) ng bagong revenue collection agency na mayroong ibang sistema sa pagkulekta ng buwis para maiwasan na ang korapsyon at mapataas pa ang revenue collection.

Kabilang sa sistemang tinukoy na maaring i-adopt sa magiging bagong ahensya ay ang pagkakaroon ng one-time payment ng import/export fees kasama na ang duties at taxes, at iba pang bayarin sa storage, warehousing, arrastre services at iba pa.

Nakasaad din sa report na kailangang palakasin ang border control function sa bansa na hindi makokompromiso ang pagbiyahe sa mga produkto.

Maliban dito, pina-aamyendahan din ng komite ang RA 10863 o Customs Modernization and Tarrif Administration at inirekomenda na dapat ang magiging pinuno ng ahensya at kaniyang deputies ay may proper qualifications, sa lahat ng shipments ay dapat kumpletong nakasaad ang pangalan, address ng may-ari, shipper o user.

Sa nasabing committee report, inirekomenda rin na lahat ng deputy commissioners, head of office, at port collectors ngayon ng BOC ay dapat maghain ng leave of absence o mapalitan sa lalong madaling panahon para mabigyang daan ang imbestigasyon sa isyu ng korapsyon.

Bukod dito, inirekomenda rin ng komite sa Kamara na ibalik sa deputy commissioner for intelligence group, enforcement group, assessment operation and coordination group at district collectors ang pag iisyu ng alert order sa mga papasok na kargamento.

Nais din ng komite na magkaroon ng electronic linkage ang system ng BOC at ng BIR upang mabawasan ang National Single Window system.

Pinare-review din ng komite ang E2M system ng BOC at magkaroon ng pagbabago upang maging mas lalong epektibo.

Dapat din daw muling pag-aralan ng consignee/importer accreditation system upang mabawasan ang human intervention.

Nais din ng komite na maalis na ang BOC broker accreditation upang mapadali ang proseso ng registration.

Inirekomenda rin ng komite ni Barbers na sampahan ng kaso sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, Milo Maestrecampo, Niel Estrella, Gerardo Gambala at Atty. Mandy Anderson.

Kasama rin sa pinasasampahan ng kaso ang mga pribadong indibidwal na sina Richard Chen, Kenneth Dong, Manny Li, Eirene Mae Tatad, Teejay Marcellana at Mark Taguba II.

 

 

 

 

 

 

TAGS: 6.4 Billion Shabu, Bureau of Customs, House Committee on Dangerous Drugs, 6.4 Billion Shabu, Bureau of Customs, House Committee on Dangerous Drugs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.