Matapos ang matagumpay na pagdaraos ng Kuala Lumpur SEA Games, pormal nang tinanggap ng Pilipinas ang Sea Games Flag para sa paghohost ng bansa sa 2019 edition ng biennial competition.
Masaya at punong-puno ng performances ang closing celebration na inihanda ng Malaysia sa Bukit Jalil National Stadium.
Hindi lamang ito closing celebration ng palaro ngunit selebrasyon ng Malaysia matapos makakuha ng 145 gold medals at manguna sa lahat ng bansa sa Timog Silangan.
Ngunit ang highlight ng gabi, ay ang pagpasa ng SEA Games flag sa Pilipinas sa pangunguna ni Philippine Olympic Committee President Jose Cojuangco.
Ipinasa naman ni Cojuanco ang flag kay Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano na chairman din ng 2019 SEA Games Committee.
Nauna na ngang ipinahayag ni Cayetano na gagamitin ng Pilipinas ang dalawang taon bilang oportunidad para bigyang buhay ang larangan ng palakasan sa bansa.
Nagtapos ang Pilipinas sa ikaanim na spot sa 2017 sea games na may 24 gold medals, 33 silver at 64 bronze medals.