Dinipensahan ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang kaniyang kontrobersyal na bahay matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng lifestyle check sa alkalde.
Giit ni Mabilog, wala siyang itinatago at hindi naman talaga ito mala-palasyo o kasing-laki ng mga ipinapakita sa mga larawan.
Ang tinutukoy ni Mabilog ay ang mistulang mansyon niyang tahanan na may tatlong palapag sa Barangay Tap-oc sa Molo District sa Iloilo City.
Sa isang pahayag kasi ay sinabi ni Pangulong Duterte na parang palasyo ang tahanan ni Mabilog, at na siguro ay anak ito ng napakayamang pamilya.
Paliwanag ni Mabilog, naipatayo niya ang kaniyang tahanan mula sa sarili niyang kita at ng kaniyang asawa na si Marivic.
Aniya pa, bago pa man siya pumasok sa pulitika ay marami na silang pinatatakbong mga negosyo at na sa Maynila pa lang ay komportable na ang kaniyang pamumuhay bilang isang negosyante.
Itinanggi rin ng alkalde na yumaman lang siya dahil sa pulitika, hindi tulad ng karamihan sa mga pulitiko, dahil malaki ang kaniyang mga isinakripisyo nang magtrabaho siya sa Canada sa loob ng ilang taon.
Tulad aniya ng paghahangad ng karamihan na makapagpatayo ng magandang bahay, nagdesisyon sila ng misis na ipagawa ito para na rin sa kanilang mga anak.
Gayunman, nakalulungkot din aniya ito pa ang nagsanhi ng bangungot sa kanilang pamilya, pero tiniyak naman niya sa pangulo na wala siyang ninakaw na ni isang sentimo para sa pagpapagawa ng kanilang bahay.
Taliwas naman sa sinasabi ng kaniyang kritiko na umabot sa P50 milyon ang halaga ng pagpapatayo ng bahay na ito base sa sukat at ayos nito, iginiit ni Mabilog na wala pang P8 milyon ang kanilang bahay na itinayo sa loob ng mahigit tatlong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.