LP, pinagbibitiw na sa pwesto si Aguirre

Mariing itinanggi ng Liberal Party (LP) ang anila’y kasinungalingang ikinakalat ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na sinuhulan umano nila ang pamilya ni Kian delos Santos.

Sa inilabas na pahayag ng LP, iginiit nilang walang katotohanan na tinangka umano ng kanilang mga miyembro na suhulan ang mag-asawang Saldy at Lorenza Delos Santos para magamit sa political propaganda.

Nang tanungin kasi si Aguirre kung may alam ba ito tungkol sa umano’y panunuhol ng P2 milyon, sinabi ng kalihim na mayroon siyang mga naririnig tungkol dito ngunit hindi naman niya ito kinumpirma.

Nilinaw naman ng LP na hindi pa sila nakikipag-ugnayan sa mga magulang ni Kian bukod pa sa pakikiramay nila dito noong lamay nito.

Dahil dito, nanawagan ang LP kay Aguirre na magbitiw na sa pwesto.

Giit ng partido, hindi ito ang unang beses na nagsinungaling si Aguirre tungkol sa LP, dahil ilang pagkakataon nang binawi ng kalihim ang kaniyang mga pahayag at humingi ng paumanhin dahil sa mga fake news tungkol sa kanilang partido at mga miyembro.

Read more...