CHR handang imbestigahan ang umano’y pagpapakain ng upos sa isang turista ni Davao City Mayor Duterte

chito gascon
Inquirer file photo

Pinaalalahanan ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga public officials at ang mga nagta-trabaho sa pamahalaan na huwag umabuso sa kanilang mga tungkulin at laging gawing prayoridad ang pagrespeto sa karapatang pantao ng bawat mamamayan.

Reaksyon ito ni CHR Chairman Chito Gascon kasunod ang mga naglabasang ulat tungkol isang turista na umano’y pinakain ng upos ng sigarilyo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang imbestigasyon kung sakaling lumitaw at magsampa ng reklamo ang hindi pinangalangang turista.

Unang lumabas ang naturang report sa Facebook account ni dating North Cotabato Gov. Manny Pinol kung saan ay kanyang idinetalye ang kuwento tungkol sa isang turista na lumabag sa anti-smoking ban na ipinatutupad sa lungsod.

Ayon sa kuwento ni Pinol, hindi sinunod ng nasabing turista ang babala ng restaurant owner kaya napilitan silang tumawag ng mga tauhan ng pulisya.

Pagdating ng mga pulis ay kasama nilang pumasok sa restaurant si Duterte na kaagad na tumabi sa inirereklamong turista na sinasabing halatang nabigla nang makita ang alkalde.

Sinabi ni Pinol sa kanyang FB account na pinapili diumano ni Duterte ang turista, lunukin ang upos ng kanyang sigarilyo o babarilin niya ang ari nito gamit ang kanyang dalang .38 cal. na baril.

Pinili ng nasabing turista ang lunukin na lamang ang upos pero hindi doon nagtapos ang kuwento dahil nagbanta rin daw si Duterte na kahit sino ay hindi dapat subukan ang kanilang ipinatutupad na batas sa Davao City.

Sa kanyang panig, sinabi ni Gascon na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga ganitong uri ng sumbong at reklamo at tiniyak niya sa publiko na kaya nilang bigyan ng proteksyon ang mga complainants.

Read more...