Ganito inilarawan ni Akbayan Rep. Tom Villarin ang biglaang pag-anunsyo ng pamilya Marcos na handa itong ibalik sa gobyerno ang mga hinihinalang nakaw na yaman ng pamilya sa kaban ng bansa.
Sa isang talumpati ni Pangulong Duterte sa Malacañang, inanunsyo ng pangulo na sa pamamagitan ng isang “spokesman” ng pamilya Marcos ay sinabi ng pamilya na handa silang ibalik ang ilang yaman na kinuha nito kabilang ang ilang gold bars.
Ani Villarin kung ibabalik ng pamilya ang nakaw na yaman nito, at ianunsyo sa publiko ang mga krimeng nagawa ng walang kondisyon at hindi humihingi ng “immunity”, matatawag itong isang hindi inaasahang milagro.
Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na maaring isang “propaganda” lamang ito ng administrasyon para mapagtakpan ang galit ng publiko sa lumalalang patayan sa giyera kontra droga.
Ayon naman kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, hindi normal na maging parang tagapagsalita ng mga Marcos si Pangulong Duterte.
Nais ding masagot ni Baguila ang tanong kung handa kaya ang pamilya na aminin ang pagnanakaw at sumailalim sa proseso ng hustisya para pagbayaran ang mga krimeng nagawa laban sa mga Pilipino.
Sinabi naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na dapat klaruhin ng pangulo ang naging pahayag nito ukol sa isyu.
Ani Tinio, dapat ay magkaroon ng “transparency” ang pamahalaan sa pagresolba sa isyu ng mga Marcoses.