Ombudsman, may “selective justice” ayon kay Duterte
Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y “selective justice” na pinaiiral ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Ayon kay Pangulong Duterte, mistulang na-master na ng opisina ni Ombudsman ang “art of selective justice” dahil matigas ang pakikitungo nito sa iilan, pero malambot naman sa iba.
Mabagal din aniya ang pag-aksyon ng Ombudsman sa mga reklamo laban sa mga aniya’y “friendly” pero mabilis naman aniya magdesisyon sa mga “hostiles.”
Ani pa Duterte, hindi kaya ng naturang opisina na umaksyon sa mga reklamo nang may “cold neutrality and impartiality.”
Tinuligsa rin ng pangulo ang mabagal aniyang pagkilos ng Ombudsman laban sa mga mambabatas na nadawit sa pork barrel scam na umano’y pinasimunuan ni Janet Lim-Napoles.
Kinwestyon rin ng pangulo ang pagpapahintulot kay dating Sen. Juan Ponce Enrile na makapag-pyansa habang ang iba pang sangkot ay hindi pinayagan.
Giit niya, kung mayroong isang papayagan na makapag-pysansa ay dapat payagan din ang mga iba pa.
Nagpahayag rin ng pagkadismaya ang pangulo sa naging desisyon ng Ombudsman sa mga isinampang kasong katiwalian laban kay Sen. Gringo Honasan kaugnay rin ng kaniyang pork barrel funds, dahil hindi aniya ito klaro.
Huli namang binanatan ng pangulo ang pananatili ni Morales bilang Ombudsman hanggang ngayon, dahil giit ni Duterte, dapat ay tapos na ito sa panunungkulan sapagkat tatapusin lang dapat nito ang termino ni Merceditas Gutierrez na nag-resign noong 2011.
Noong February 2015 pa dapat ang pagtatapos ng nasabing termino ni Gutierrez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.