Bagyo sa labas ng bansa, lumakas pa; LPA binabantayan sa loob ng PAR
Lumakas pa at isa nang tropical storm ang bagyo na nasa labas ng bansa na mayroong international name na Sanvu.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Sanvu ay huling namataan sa layong 2,260 kilometers east ng extreme northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 60 kilometer per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Mabagal ang kilos ng bagyo sa direksyong North Northeast.
Ayon sa PAGASA, maliit na ang tsansa na pumasok ito ng bansa maliban na lamang kung magbabago ang direksyon.
Samantala, isang Low Pressure Area (LPA) naman ang binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na nasa bahagi ng 1,000 kilometers east ng Tuguegarao City.
Ang buntot ng nasabing LPA at ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang nakaaapekto sa bansa.
Dahil sa dalawang weather system, aasahan ang maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol region at mga lalawigan ng Aurora at Quezon.
Habang sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon naman ng bahagyang maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan.
Sa Visayas naman, ang silangan at kanlurang bahagi ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na mayroong isolated rains at thunderstorms, samantalang ang nalalabing bahagi lalo sa Central Visayas ay bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan, pagkidlat at pagkulog.
Sa Mindanao naman, magkakaroon ng generally fair weather maliban sa isolated thunderstorms sa hapon o gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.