Mga Muslim na biktima ng Hajj scam, nagreklamo sa pulisya

By Khyz Soberano August 29, 2017 - 03:37 AM

Sumugod sa Manila Police District ang humigit kumulang 50 Muslim na biktima umano ng scam.

Kwento ni Yusoph Mando, peace advocate at tagapagsalita ng mga biktima, nasa mahigit 200 Muslim na mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao ang pinangakuan na makakapunta ng Mecca, Saudi Arabia bilang paggunita ng Hajj.

Kinilala ang mga suspek na sina Salamah Sibala Diba Rusan, Alama Carreon at Usman Adil Tah na nanghingi umano ng mahigit P50,000 kada tao kapalit ng pagpunta sa Mecca.

Nakatakda umano silang umalis noong August 25 ngunit August 28 na at matatapos na ang paggunita ng Hajj ay hindi pa sila nakakaalis.

Dagdag ni Mando, nagsimula na silang umalma nang walang natatanggap na passport at visa ang mga biktima gayung malapit na ang petsa ng kanilang pag-alis at matatapos na rin ang paggunita Hajj.

Nalaman nilang nasa Sunny Bay Suits Hotel sa Roxas Blvd. ang suspek na agad nilang pinuntahan, umaga ng Lunes.

Sa pakikipagtulungan ng mga pulis ng Ermita ay dinala ang tatlong suspek sa MPD kung saan siya sasampahan ng kasong large scale staffa.

Ayon kay Chief Inspector Joselito de Ocampo, hepe ng MPD General Assignment and Investigation Unit, una nang inireklamo ang grupo ni Dibarosan sa parehas na insidente sa Basilan, kung saan 40 katao ang nabiktima.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.