Tuluyan nang nag-compulsary retirement si Dungog noong August 22, kaya binitiwan na niya ang mga kasong possession of dangerous drugs, illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives ni Reynaldo Jr.
Ayon kay Dungog, hindi na niya mahahawakan ang mga kaso dahil sa kaniyang compulsary retirement, lalo na’t kinakailangan nito ng mabilisang aksyon at upang hindi kwestyunin ang kanyang pagiging patas.
Aniya, ililipat niya sa Office of the Executive Judge ang mga kaso para sa kaukulang mga hakbang.
Nagbabadya na ring mag-inhibit si Judge Edmundo Pintac ng Ozamiz City Regional Trial Court Branch 15 na siya namang humahawak sa kaso ni Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog.
Iginiit kasi ni Pintac na kailangang gawin ang pagdinig sa neutral na lugar at hindi sa Ozamiz City.
Sumlat na rin si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa Korte Suprema upang mailipat mula Ozamiz City ang mga kaso ng magkapatid na Parojinog sa Quezon City RTC.
Base sa sulat ni Aguirre kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, maaring makaapekto ang kapangyarihan ng mga Parojinog sa Ozamiz City sa criminal proceedings ng kasong kinakaharap ng magkapatid na Parojinog.
Nais ilipat ni Aguirre ang kaso sa Regional Trial Court ng Quezon City dahil doon naman nakakulong ang mga Parojinog sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ayon kay Aguirre, mas mabibigyan ng dagdag seguridad ang mga Parojinog at hindi kinakailangang gumastos ng malaki para ilipad ang mga ito papuntang Ozamiz City para dinggin ang reklamo.
Samantala, hindi pa naman nakakapagpalabas ang Ozamiz City RTC ng kautusan kung saan dapat maditine ang mga Parojinog at hindi pa sila sumasailalim sa pagdinig.