Kahit mababa ang sahod, mga Pinoy, masaya pa rin sa kanilang trabaho
Kahit isa ang Pilipinas sa may mababang pasweldo sa Southeast Asia at kahit araw-araw na nata-traffic papasok sa trabaho, ang mga manggagawang pinoy pa rin ang maituturing na pinakamasayahin pagdating sa kanilang pagtatrabaho ayon sa isang survey.
Sa survey ng jobs search website ng JobStreet Philippines, lumitaw na 70% ng mga empleyadong Pinoy ang nagsabing sila ay masaya sa kanilang trabaho.
Ayon kay JobStreet Philippines marketing director Yoda Buyco lumabas din sa survey na mayorya ng mga pinoy na empleyado o 55% ang nagsabing sila ay “quite happy” sa kanilang trabaho at 15% naman ang nagsabing sila ay “very happy,”.
Dahil dito, ang Pilipinas ang nanguna sa isinagawang satisfaction survey ng JobStreet sa mga bansa sa Southeast Asia na sinundan ng mga empleyado sa Thailand na mayroong 59% ang nagsabing masaya sila sa kanilang trabaho at pumangatlo sa ranking ang Singapore na nakapagtala ng 51% satisfaction rate.
Ang mga empleyado sa Hong Kong at Indonesia naman ang nakapagtala ng pinakamababang satisfaction rate. Kaunti lamang kasi sa mga manggagawa sa Hong Kong at Indonesia ang nagsabing masaya sila sa kanilang trabaho.
Ayon kay Buyco, ang sweldo, benepisyo at mga incentives ang pangunahing dahilan ng mga pinoy sa pagsasabing sila ay masaya at kuntento sa trabaho.
Naniniwala si Buyco na ang strong family ties ng mga pinoy ang isa sa dahilan kaya laging masayang pumapasok sa trabaho ang bawat manggagawang pinoy.
Sa Thailand, Singapore at Hong Kong naman, sinabing ang relasyon nila sa kanilang mga kasamahaan at amo ang pangunahing dahilan ng kanilang satisfaction.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.