Kaso laban sa namaril sa forester, pinamamadali ni DENR Sec. Cimatu
Pinamamadali ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang kaso laban sa gunman na bumaril sa isa tauhan nito na nagbabantay sa illegal loggers sa Palawan noong August 23.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Florante Saycon ang suspek sa pamamaril kay Joselito Eyala, isang forester mula sa Community Environment and Natural Resources Office sa Puerto Princesa City.
Si Eyala ay nagtamo ng tama ng bala sa batok at likod. Ipinalilipat ni Cimatu ang biktima sa isang ospital sa Maynila para sumailalim sa gamutan.
Nais ni Cimatu na kasuhan ng City Environmental and natural resources Office (CENRO) si Saycon dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9175 o Chainsaw Act of 2002 at iba pang forestry laws.
Nahaharap din ang suspek sa kasong attempted murder o homicide.
Babala ni Cimatu, hindi siya papayag na maabswelto ang sinuman na mananakit sa mga tauhan nilang nagbibigay proteksyon sa kapaligiran.
Nagpapatrolya si Eyala sa kabundukan sa pagitan ng Barangay Sta. Lourdes at Bacugan, kasama ang tatlo pang forestry personnel, nang mahuli nito si Saycon at dalawa nitong anak na gumagamit ng unregistered chainsaw sa pagputol sa isang puno ng Malugai.
Pinaputukan ng isa sa anak ni Saycon ang foresters na ikinasugat ni Eyala habang nakatakas naman ang dalawa nitong kasamahan sina forest ranger Roldan Alvarez at forest technicians na sina Roy Mercader and Glenn Dexter Eleazar sa katabing barangay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.