NDRRMC, walang naitalang casualty sa paghagupit ng Bagyong Jolina
Walang naitalang sugatan o namatay sa mga apektadong lugar sa may hilagang bahagi ng Luzon sa paghagupit ni Bagyong Jolina.
Ito ang naging pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa isinagawang briefing kaninang alas-onse ng umaga.
Bukod sa zero casualty ay ipinagmalaki rin ni Mina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC na nasa 1,000 katao o mahigit 250 pamilya ang nakiisa sa preventive evacuation na isinagawa ng mga regional offices ng kagawaran.
Aniya, nauna nang magbigay ng babala ang NDRRMC sa mga flood prone at landslide prone areas, kaya naman hindi na nag-atubili ang mga residente na pansamantalang lumikas sa kanilang tinitirhang lugar.
Ayon pa kay Marasigan, balik-operasyon na ang mga pantalan, paliparan, at mga terminal ng bus na pansamantalang nagsuspinde ng kanilang operasyon dahil sa sama ng panahon.
Maging ang Kennon Road na pansamantalang isinara kagabi ay maaari nang gamitin ngunit sa abiso ng NDRRMC, mas makabubuting dumaan muna ang mga papuntang norte sa Marcos Highway or Naguilian Road.
Samantala, nananatili pa rin sa red alert status ang NDRRMC, maging ang kanilang mga regional operation centers habang hindi pa tuluyang nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR si Bagyong Jolina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.