P190M pinagmumulta sa Uber para bawiin ang suspensyon, batay sa kinikita ng kompanya – LTFRB
Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang 190 milyong pisong ipinamumulta sa Uber ay batay sa average daily income ng transport network vehicle service (TNVS).
Ipinahayag ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada na sa kanilang pagtaya ay umabot sa pito hanggang 10 milyong piso ang kinikita ng Uber araw-araw.
Dagdag ng opisyal, ang kita na ito ng Uber ay mula sa 25% share mula sa booking fees mula sa partner-drivers ng TNVS. Sa pag-aaral ng LTFRB, umaabot sa 150,000 ang average trips ang naitatala ng Uber araw-araw.
Ayon kay Lizada, dahil 19 na araw ang nalalabi sa suspensyon, kailangang bayaran ng Uber ang halagang 190 milyong piso para bawiin ng LTFRB ang suspension order.
Sinuspinde ng LTFRB ang Uber noong August 15 matapos itong lumabag sa kautusang nagpapatigil sa pag-activate ng bagong drivers.
Noong Biyernes, pinagbigyan ng LTFRB ang kahilingan ng Uber na magbayad ng multa sa halip na ipatupad ang suspension order. Gayunman, mas mataas ito sa 10 milyong pisong inalok ng kompanya na bayaran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.