Poe, dismayado sa oras ng paglabas ng LTFRB ng desisyon ukol sa Uber suspension
Welcome kay Senate committee on public services chairman Grace Poe ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patawan na lang ng multa ang Uber kaysa patapusin ang isang buwang suspensyon nito.
Ayon kay Poe, ang paniningil lang ng LTFRB ng malaking P190 milyon bilang kondisyon para sila ay makabalik sa operasyon ay sapat na para pag-isipan ng Uber ang kanilang mga ginawang pag-subok sa mga regulasyon ng pamahalaan.
Gayunman, bahagyang nadismaya si Poe dahil hapon o pagabi na ng Biyernes inilabas ng LTFRB ang kanilang desisyon tungkol sa petisyon ng Uber.
Dahil aniya dito, tinanggalan nila ng oportunidad ang Uber na makapagbayad ng multa agad dahil sarado na ang mga bangko, na sinundan pa ng long weekend.
Nakakalungkot aniyang isipin na dahil limitado ang mga pagpipiliang paraan ng trasportasyon, maraming tao ang mahihirapang bumiyahe kasama ang kanilang mga pamilya ngayong long weekend.
Dagdag pa ni Poe, malaking ginhawa sana sa mga tao kung agad nang pinayagan ng Uber na mag-balik operasyon ang Uber lalo’t maraming dume-depende sa mga transport network vehicles dahil sa pagiging komportable, ligtas at maaasahan nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.