Kennon Road, isinara muna dahil sa bagyong Jolina

FILE- Kennon Road. PHOTO by OMPONG TAN/CONTRIBUTOR

Pansamantala munang isinara sa mga motorista ang Kennon Road sa Baguio City mula Biyernes ng gabi, bilang paghahanda sa bagyong “Jolina.”

Ito’y para maiwasan na rin ang aksidente lalo’t bukod sa magiging madulas ang nasabing zigzag na kalsada, posible rin ang pagbagsak ng mga bato sa kasagsagan ng malalakas na ulan.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH)-Cordillera assistant director Alberto Gahid, dahil dito ay sa Marcos Highway o sa Naguilian Road na muna dadaan ang mga motorista.

Sa hiwalay naman na abiso, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na suspendido muna ang hiking at trekking sa Mt. Pulag at Mt. Purgatory sa Benguet dahil sa sama ng panahon.

Sinuspinde rin muna ng Sagada Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga aktibidad sa mga kweba sa Sagada sa Mountain Province.

Ibayong pag-iingat naman ang paalala ng Department of Tourism sa lahat ng mga turistang bibiyahe ngayong long weekend.

Read more...