Bagyong “Jolina,” bahagyang bumilis pagdating sa Quirino
Matapos mag-landfall sa Casiguran, Aurora, ngayon ay nararamdaman na sa lalawigan ng Quirino ang bagyong “Jolina.”
Sa pinakahuling severe weather bulletin ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa Maddela, Quirino.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 80 kilometers per hour at pagbugso na 110 kilometers per hour.
Inaasahan naman na kikilos ang bagyo patungo sa direksyong Northwest sa bilis na 19 kilometers per hour.
Nakataas pa rin ang tropical storm warning signal number 2 sa Isabela, Aurora, Quirino, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Benguet, Abra, La Union at Nueva Vizcaya.
Signal number 1 naman sa Cagayan including Babuyan group of islands, Apayao, Nueva Ecija, Pangasinan, at Northern Quezon kabilang na ang Polillo island.
Inialis naman na ng PAGASA ang tropical storm warning signal sa Camarines Norte.
Bukas inaasahang makakalabas ng kalupaan ang nasabing bagyo.
Samantala, itinaas naman ng PAGASA ang orange rainfall warning sa lalawigan ng Zambales. Ibig sabihin nito ay “intense” o matinding pag-ulan ang naobserbahan ng PAGASA na inaasahang magtatagal hanggang sa susunod na dalawang oras.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang mga residente sa nasabing lugar na mag-ingat dahil sa posibilidad ng pagbabaha.
Itinaas naman ang yellow rainfall warning sa Metro Manila, Bulacan, Bataan, Nueva Ecija, Cavite, Rizal, Northern Quezon, at Laguna.
Dahil dito, inaasahang magtatagal pa ng hanggang sa susunod na dalawang oras ang malakas na pag-ulan sa mga naturang lugar.
Nagpakawala naman na ng 89 cubic meters ang Magat Dam dahil na rin sa lakas ng ulan na nararanasan sa Isabela, kaya pinaalalahanan na rin ang mga kalapit na lalawigan na mag-ingat sa posibleng pagbabaha dulot ng pag-apaw ng mga ilog dahil sa pagbaba ng tubig mula sa matataas na lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.