Hustisya ang sigaw ng asawa ng sundalo na napatay ng mga pulis sa Zamboanga Del Sur.
Si Corporal Rodilo Bartolome ay uuwi lang sana saglit sa kaniyang pamilya sa Zamboanga Del Sur mula sa battleground sa Marawi City.
Ayon kay Metcheall Bartolome, hindi totoong nanlaban o nagpaputok ang kaniyang asawa nang sitahin ng mga pulis sa insidente na naganap sa bayan ng Aurora.
Katunayan, itinaas pa umano ng mister niya ang kaniyang kamay pero binaril pa rin ito ng mga tauhan ng Aurora municipal police station.
Nagtamo si Bartolome ng labingisang tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa ulat ng pulisya, nakatanggap umano sila ng report na mayroong armadong lalaki sa lugar.
Nang dumating ang mga pulis ay bumunot umano ng baril si Bartolome, dahilan para paputukan siya ng mga otoridad.
Naghihintay lamang noon ng masasakyan si Bartolome pauwi sa kanilang bahay matapos payagan ng kaniyang commanding officer na makapag-leave muna at makapagpahinga sa bakbakan sa Marawi.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) negatibo naman sa combat stress si Cpl. Bartolome at pinayagan lang na mabisita ang kaniyang asawa na nakarita sa Barangay Monte Alegre sa bayan ng Aurora.