Pagsasailalim sa mga testigo sa pagpatay kay Kian delos Santos sa WPP, suportado ng PAO
Suportado ng Public Attorney’s Office (PAO) ang mungkahi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II naisailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang mga testigo sa pagkakapatay kay Kian delos Santos.
Ayon kay PAO chief Persida Acosta, nakipag-ugnayan na siya kay Sen. Risa Hontiveros na ibigay na sa DOJ at NBI ang kustodiya sa tatlong testigo.
Sa ngayon kasi ay nasa kustodiya pa ni Hontiveros ang tatlong testigo mula nang siya ay bumisita sa burol ni Kian.
Ani Acosta, nagdesisyon na rin ang pamilya ng mga testigo na ipaubaya na sa kanila ang kaso at na bawiin na ang kustodiya kay Hontiveros dahil pansamantala lang naman ito.
Dalawa sa mga testigo ay mga menor de edad, isang 13-anyos at isang 16-anyos, habang ang isa pa ay 31 taong gulang.
Ayon kay Acosta, mayroong isa pang testigo na isinailalim na nila sa kanilang kustodiya.
Pagkatapos aniya ng paghahain nila ng kasong murder sa DOJ ay saka nila aasikasuhin ang application ng mga testigo para sa WPP coverage.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.