Impormasyon ng Caloocan police tungkol sa pagiging drug runner ni Kian delos Santos, galing sa social media

By Kabie Aenlle August 25, 2017 - 04:23 AM

 

FB Photo

Inamin ng sinibak na hepe ng Caloocan City police na si Senior Supt. Chito Bersaluna na ibinase nila sa mga posts sa social media ang kanilang impormasyon tungkol sa umano’y pagiging drug runner ni Kian delos Santos.

Sa pagharap ni Bersaluna sa pagdinig ng Senado, sinabi niya na matapos mangyari ang insidente, ibinase na nila ang impormasyong kanilang hawak sa mga lumalabas sa social media.

Tinanong kasi ni Sen. Manny Pacquiao ang pulis kung paano nila nakumpirma ang pagkakasangkot ni Delos Santos sa iligal na droga, bagay na mariing itinatanggi ng pamilya ng biktima.

Umamin si Bersaluna na sa una ay hindi nakatitiyak ang mga pulis tungkol sa kaugnayan ni Delos Santos sa iligal na droga.

Dito sinita ni Pacquiao si Bersaluna dahil huli na nilang ginawa ang background check sa biktima matapos ang operasyon.

Sinabi naman ni Bersaluna na isang araw matapos ang insidente ay naaresto naman nila ang isang Nono Lubiras na umamin na naka-transaksyon niya si Delos Santos.

Nang tanungin ulit siya ni Pacquiao kung paano nila nakumpirma ang sinabi ni Lubiras, muling isinagot ni Bersaluna na medyo ibinase nila ito sa mga post sa social media.

Ani Pacquiao, hindi katanggap-tanggap ang ganitong sagot dahil napakababaw na dahilan ang paggamit ng social media sa kumpirmasyon ng ganitong klase ng impormasyon.

Ilang mga hinihinalang “trolls” kasi sa Facebook na gumagamit ng mga pekeng accounts ang nagsasabi na kapitbahay umano nila si Delos Santos at iginigiit na kilala itong adik sa kanilang lugar.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.