Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA chairman Danilo Lim na sa kanyang tantya, nasa limang porsyento ang nabawas sa traffic sa Metro Manila.
Malala pa rin aniya ang trapiko dahil marami talagang mga sasakyan subalit batay sa Metro Base at mukhang nakatulong ang suspensyon ng LTFRB sa Uber.
Pinatawan ng LTFRB ng isang buwang suspensyon ang Uber dahil sa paglabag sa moratorium sa pag-acredit ng mga bagong driver.
Nag-alok ang Uber ng sampung milyong piso para i-lift ang suspensyon, lalo’t apektado raw ang marami sa kanilang mga mananakay at mga tsuper.
Samantala, nirerespeto ni Lim ang pahayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra na kailangang dagdagan ang bilang ng taxi na umiikot sa Metro Manila upang matugunan ang pangangailangan o ang demand sa public transport.
Ayon kay Lim, walang masama sa panukalang ng LTFRB pero kailangan aniya ay sumunod ang mga pampublikong sasakyan sa mga batas.