Patay sa pananalasa ng Typhoon Hato sa Macau at Hong Kong, nadagdagan pa
(UPDATE) Umabot na sa labingdalawa ang naitalang nasawi sa pananalasa ng Typhoon Hato sa Hong Kong at Macau.
Walo sa mga nasawi ay mula sa gambling hub sa Macau, na nalubog sa tubig baha.
Sa kuha ng netizens, ang parking area ng mga casino sa lugar ay binaha at napinsala ang maraming sasakyan.
Dahil sa pananalasa ng bagyo, nakansela ang biyahe ng tren, nawalan ng kuryente at nawalan ng network signal.
Isang lalaking nasawi ay nabagsakan ng pader habang may isa pa na nahulog mula sa terrace ng ikaapat na palapag na gusali.
Sa sobrang lakas ng hangin na dala ng bagyo, makikita sa mga nag-viral na video sa Facebook na maging ang mga naglalakad sa kalsada ay tinatangay ng hangin.
Isang lalaki rin ang makikitang nadaganan ng isang delivery van matapos na patumbahin ng hagupit ng hangin ng bagyo.
Tinatayang multi-milyong dolyar ang halaga ng napinsala bunsod ng pananalasa ng Typhoon Hato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.