Naihain na sa Kamara ang isang impeachment complaint laban kay Comelec Chairman Andres Bautista.
Pasado alas-tres ng hapon nang maihain sa Office of the House Secretary-General nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras ang reklamo laban sa opisyal ng Comelec.
Kabilang sa grounds ng impeachment laban kay Bautista ang betrayal of public trust dahil sa umano’y paglalagay sa komisyon sa kahihiyan at culpable violation of the Constitution dahil naman sa kabiguang magdeklara ng tamang SALN.
Pananagutin din ng mga ito ang pinuno ng Comelec dahil sa sinasabing data breach kaugnay sa pagmamaniobra sa server noong 2016 elections.
Kabilang din sa grounds ang sinasbing pagtanggap ni Bautista ng komisyon sa Divina Law office na counsel ng Smartmatic at ang palagiang paglabag sa collegiality ng Comelec.
Noong nakalipas na linggo sa panayam ng Radyo Inquirer ay sinabi ni Paras na may mga nakausap na siyang mag-eendorso na mga kongresista at tiyak daw na uusad ang kanilang reklamo laban kay Bautista.
Sinabi namani ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque na handa siyang maging endorser ng nasabing impeachment complaint.