Humingi na ng sorry si Bureau of Customs Commissioner Bert Lina sa mga Overseas Filipino Workers matapos umani ng pagbatikos nang ipatupad ang polisiyang buksan ang mga balikbayan boxes para mainspeksyon dahil sa hinalang nahahaluan ito ng smuggled goods gaya ng baril at droga.
Sa hearing ng Senate Committee on Ways and Means, kinuwestyon ng Chairman ng komite na si Senador Sonny Angara kung inaamin na ni Lina ang pagkakamali.
Dito, kusang loob na nagpakumbaba si Lina at humingi ng paumanhin sa mga OFW.
Wala aniyang intensyon ang BOC na tapakan ang sinuman lalo na ang mga OFW at hindi nila puntirya ang mga Pilipinong nagbabanat ng buto sa ibayong dagat.
Humihingi rin ng paumanhin si Lina kung ang naging interpretasyon ng mga OFW ay napagkamalan silang mga smuggler.
Sinabi pa ni Lina na may ilalabas na bagong procedure ang BOC na magbibigay daan para mas mapadali ang pagpapadala ng mga OFW ng mga balikbayan boxes.
Umapela rin si Lina sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA na bigyan sila ng listahan ng mga lehitimong OFW para mapadali ang pagsuri sa mga ipadadalang balikbayan boxes.
Una rito, hinamon ni Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. si Lina na mag-sorry sa OFW dahil sa pagkakamaling ginawa.
Ayon kay Lina, 200 percent ang kanyang suporta sa mga OFW.
Samantala, nagkainitan sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Lina sa naturang hearing.
Kinuwestyon kasi ni Recto si Lina kung nagtaas ito ng singil sa buwis sa mga balikbayan boxes ng mga OFW.
Nakarating sa kaalaman ni Recto na noong Hulyo, itinakda ng BOC ang ‘tara’ o fee mula P80,000 bawat container van at ngunit ginawa itong P180,000.00 para sa Oktubre na direktang makakaapekto sa mga OFW.
Inamin ito ni Lina subalit iginiit na ang mga freight forwarder ang dapat sumalo ng buwis.
Dagdag pa ni Lina, hindi nag-iimbento ang BOC sa mga dapat singiling buwis sa mga container van at hinamon ang mga freight forwarders na buksan ang kanilang mga libro.
Dito, nagkataasan na ng boses ang dalawa kaya’t nairita na si Recto at iginiit na tiyak na ipapasa rin ito sa mga OFW.
Agad namang sinaway ni Senador Sonny Angara, Chairman ng komite ang dalawa at iginiit na hindi mareresolba ang problema kapag idinaan sa init ng ulo.