Sa isang statement, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang “expression of condolences” ng ambassador ay kaparehas ng sentimyento ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iisa aniya ang tono nina Kim at Duterte na kapwa nais na imbestigahan ang krimen at papanagutin ang responsable sa pagkasawi ni delos Santos.
Ani Abella, nauna nang ini-utos ng presidente ang pagkakaroon ng “full and impartial investigation” ukol sa pagkapaslang kay delos Santos at parusahan ang mga pulis na mapapatunayang nagkasala.
Sa tweet ni Ambassador Kim kahapon, nagpaabot siya ng pakikiramay sa pamilya ni Delos Santos, at sinabing umaasa rin siya na ang ginagawang pagsisiyasat ay magbubunsod ng “full accountability.”
Sa ngayon, ang tweet ni Kim ay umani na ng aabot sa mahigit dalawang libong likes at mahigit limang daang retweets.