Siniguro ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa mga mambabatas na hindi magagamit sa pagsasampa ng kaso laban sa mga menor de edad ang gagawing random drug testing sa mga mag-aaral sa pampuliko at pribadong paaralan.
Ayon sa kalihim, ang gagawing random drug test ay upang malaman ang lala ng problema ng droga sa mga paaralan at magawan ng solusyon ito.
Nilinaw ni Briones na ang Department Order No. 40 na naglalaman ng guidelines sa gagawing random drug test ay walang kinalaman sa madugo at brutal na anti-illegal drug operations ng pulisya na kumitil na sa buhay ng libu-libo kabilang ang ilang menor de edad.
Dagdag pa ni Briones, ang pagkalat ng droga sa mga paaralan ay isang “health matter” kaya’t nakipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa Department of Health para sa pagsasagawa ng random drug test.
Ang random drug testing ng DepEd ay magsisimula na sa Setyembre at isasali rin ang mga guro samantalang mandatory drug testing naman ang sa mga DepEd employees.
Nauna na ngang binatikos ng ilang militanteng mambabatas ang Commission on Higher Education sa plano nitong mandatory drug test policy para sa aplikasyon ng mga magkokolehiyo sa mga pamantasan.