Mga barko ng China, pinaliligiran ang teritoryo ng Pilipinas
Nag-deploy ang China ng mga barko ng kanilang navy at coast guard sa mga sandbars sa pinag-aagawang mga teritoryo sa South China Sea.
Ito ang ibinunyag ng dalawang security officials sa Associated Press sa kondisyon na hindi sila papangalanan dahil tanging ang Department of Foreign Affairs (DFA) lang anila ang may otorisasyon na magsalita tungkol dito.
Ito’y sa kabila ng pahayag ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na naresolbahan na ang isyu sa pagpasok ng China sa Pag-asa Island.
Ayon sa dalawang opisyal, tatlong barko ng Chinese navy, isang coast guard vessel at 10 bangkang pangisda ang nagsimulang lumigid-ligid sa Sandy Cay noong Agosto 12.
Mayroon ding grupo ng mga mangingisdang Pilipino noong panahong iyon, ngunit nang umalis ang mga ito, nanatili pa rin doon ang mga Chinese.
Isa ring diplomat ng Pilipinas na ayaw na mapangalanan, ang nagsabing nag-aalala ang China na baka magtayo ang Pilipinas ng istruktura sa mga nasabing sandbars.
Sa isang government security report rin na nabasa ng AP, nakasaad na pumosisyon sa Sandy Cay ang mga Chinese navy ships na may bow numbers 504, 545 at 168, isang Chinese coast guard vessel na may bow number na 46115 at 10 Chinese fishing vessels.
Noong August 15 naman ay isang asul na helicopter ng China ang lumipad nang mababa malapit sa southwest coast ng Thitu o Pag-asa Island.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.