Destab plan laban kay Duterte hindi totoo ayon sa AFP
Walang pag-aaklas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang mariing paninindigan ni AFP Spokesman BGen. Restituto Padilla sa gitna ng ulat na ang grupong nagpapakilalang Patriotic and Democratic Movement o PADEM na binubuo umano ng mga aktibong tauhan ng AFP at PNP ang nagbabalak na patalsikin sa pwesto ang pangulo.
Ayon kay Padilla, malinaw ang paninindigan ng mga kawani ng AFP na sumusunod sila sa itinatadhana ng Saligang Batas at suportado nila ang kanilang Commande-in-Chief.
Iginiit pa ni Padilla na uncalled for at walang basehan ang akusasyon ng PADEM.
Malinaw aniya na pulitika lamang ang layunin ng grupo at hindi papatol ang AFP sa ganitong mga propaganda.
Sa pahayag ng PADEM, dapat umanong papanagutin si Duterte dahil sa betrayal of public trust dahil sa pagtrato sa mga pulis at mga sundalo bilang mga private armed group.
Pero ayon kay Padilla, ang mga akusasyon ng PADEM ay iniimbestigahan na ng Department of Justice.
Apela ni Padilla sa publiko, maging mahinahon at huwag magpagamit sa mga grupong nagsusulong lamang ng sariling interes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.