Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Acosta na kung pagbabasehan ang resulta ng otopsiya kay Delos Santos, makikita ang trajectory ng bala ng baril na mayroong intensyon na patayin ang menor de edad.
Lumabas din aniya na walang intensyon na buhayin pa ang binatilyo batay sa tama ng mga bala sa likod ng kaliwang tenga at sa likod na bahagi ng katawan malapit sa kanyang baga.
Nakaluhod aniya si Kian nang maganap ang insidente at nakatayo naman ang pulis na bumaril sa kanya.
“Ang punto dun, ang tama niya sa likod ng tenga. Parang kay Ninoy, sa likod ng tenga kaliwa. Tapos sa loob ng butas ng tenga, dalawang tama sa ulo tumagos sa kanan. Tapos may tama siya sa likod na bahagi ng katawan sa may baga. Yung tamang tatlo na yun, makikita mo ang trajectory ay intentional killing at fatal. Hindi bubuhayin”, ani Acosta.
Kinuwestyon din ni Acosta kung bakit hindi ipinatupad ng mga pulis ang standard operating procedure (SOP) sa panghuhuli sa binatilyo.
Dapat aniya ay pinosasan na lamang si Kian nang mahuli ng mga pulis sa tindahan, at sa halip na dalhin o kaladkarin sa kanal, ay dapat dinala na sa presinto at doon pinagpaliwanag.
“SOP iposas mo. Hawak na nila tatlo sila, eh di iposas mo. Bakit kailangan makarating pa sa kanal”, dagdag pa ni Acosta.
Ibinahagi din ni Acosta na wala sa listahan ng mga adik sa kanilang barangay si Kian, at sa katunayan recipient pa ito ng voucher ng Department of Education.
Mabait na bata aniya si Kian sa eskwelahan, at ibinibigay pa ang kanyang baon sa kaklase na may sakit kung kaya’t iniiyakan ito.
“Yung batang yan, recipient ng voucher ng DepEd. Bago ka maging recipient ng voucher, may case study yan. Tsaka yung baon niya binibigay pa sa kaklase niyang maysakit. Kaya iniiyakan yan eh. Tapos yung hiling niyang bike, hindi mabili ama eh. Yung ina katulong lang sa abroad. Kung yan ay runner, nagbebenta ng shabu, eh di ang daming pera nila”, dagdag pa ni Acosta.
Sinabi ni Acosta na kung totoong drug runner si Kian, dapat ay marami silang pera at hindi naghihirap sa buhay.
Samantala, iginiit din ni Acosta na wala silang kinakampihan sa naturang kaso.
Kung may kasalanan aniya ang mga pulis, sila ay kakasuhan pero kung mapapatunayan na wala naman, sila ay maaabsuwelto.