Milyun-milyong tao sa Amerika ang namangha sa makasaysayang full solar eclipse na nasilayan coast to coast sa Estados Unidos.
Matapos ang halos isang siglo, ngayon lang ulit nasilayan sa US ang ganitong phenomenon, na talagang pinagkaabalahan ng mga tao gamit ang mga telescopes, cameras at disposable protective glasses.
Sa pagtakip ng buwan sa araw, nasaksihan ng mga tao ang pagbaba ng temperatura, pagtahimik ng mga ibon at paglabas ng mga bituin sa kalangitan kahit pa dakong tanghali ito nangyari.
Nagsuot at gumamit ng protective films ang mga taong tumunghay sa pangyayaring ito bilang pagsunod na rin sa payo ng mga scientists na huwag direktang tumingin sa araw nang walang suot na proteksyon maliban na lang kung ang araw ay nasa 100 porsiyento ng natatakpan ng buwan dahil kung hindi ay maaring mapinsala nito ang mata.
Itinuturing din itong “most observed and photographed” eclipse sa kasaysayan, lalo’t maraming tao ang nagtungo sa mga prime viewing spots dala ang kani-kanilang mga sapin at upuan para lang panoorin ang solar eclipse.
Naging maganda naman ang panahon nang mangyari ang solar eclipse, at hindi naging maulap tulad ng pangamba ng mga enthusiasts.
Ayon pa sa NASA, 4.4 milyon ang nanood sa kanilang TV coverage pagsapit ng kalaigtnaan ng eclipse, na itinuturing na biggest livestream event sa kasaysayan ng space agency.
Ang susunod na total solar eclipse na makikita sa US ay sa 2024, pero ang sunod na coast-to-coast ay sa 2045 pa magaganap.