Iginiit ng pulisya na bagong tukoy lang na drug suspect ang 17-anyos na Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos.
Ayon kay Northern Police District director Chief Supt. Roberto Fajardo, newly identified lamang si Delos Santos base sa kanilang intelligence information na suportado ng mga dokumento.
Paliwanag ni Fajardo, kapag sinabing “newly identified,” ibig sabihin ay wala ito sa listahan at bigla na lang lumalabas ang pangalan nito.
Matatandaang ayon sa mga pulis, pumalag at nanglaban si Delos Santos na pinaputukan ang mga otoridad, dahilan para gantihan nila ito ng putok.
Gayunman, taliwas ito sa mga sinasabi ng mga testigo.
Bagaman wala sa listahan ng mga drug users ang ama at tiyuhin ni Delos Santos, sinabi ni Fajardo na mayroon silang intelligence information na nagsasabing sangkot ang mga ito sa kalakalan ng iligal na droga.
Isa umanong alyas “Neneng” ang nag-uutos kay Delos Santos na magbenta ng droga, at ani pa Fajardo, hindi bababa sa 10 gramo araw-araw ang binebenta ng menor de edad.
Kilala pa aniya sa kanilang lugar si Delos Santos bilang isang drug runner, at binabansagan umano ang binata na isang “siga,” “adik,” at “pusher.”
Sa kasamaang palad aniya ay ngayong patay na si Delos Santos, “lumalabas na mabait na siya at santo na siya,” ani Fajardo.