Prosecutor na nag-komento sa pagkakapatay kay Kian, hindi pwedeng sibakin ni Aguirre

 

Iginiit ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na hindi niya maaring sibakin si Caloocan City Prosecutor Darwin Cañete dahil sa naging pahayag nito sa pagkakapatay ng mga pulis sa 17-anyos na si Kian delos Santos.

Napaulat kasi na sinabi ni Cañete na masyadong malabo o “too far-fetched” na inosente si Delos Santos.

Ayon kay Aguirre, hindi niya ito maaring gawin dahil hindi naman si Cañete ang may hawak ng kaso, lalo’t dahil wala pa namang kasong inihahain kaugnay ng pagkamatay ni Delos Santos.

Aniya, paano niya sisibakin ang isang prosecutor mula sa kasong hindi pa naman niya hawak at hindi pa naman naisasampa.

Gayunman, tiniyak ni Aguirre na sakaling magkaroon na ng kaso kaugnay ng pagkamatay ni Delos Santos, hindi na isasama si Cañete sa raffle ng mga pwedeng humawak sa kaso na ito.

Naging tugon ito ni Aguirre sa pahayag ni Sen. Franklin Drilon na dapat ma-relieve si Cañete dahil sa personal prejudices nito sa pagkamatay ni Kian.

Ayon pa kay Aguirre, nauunawaan niya si Drilon at naniniwala naman siyang nais ng lahat ang pagkakaroon ng patas na imbestigasyon sa pangyayari upang mapanagot ang mga may sala.

Read more...