Kasong murder, isasampa ng pamilya Delos Santos laban sa Caloocan police
Magsasampa ng kasong murder ang pamilya Delos Santos laban sa mga pulis-Caloocan sa sabit sa pagpatay sa labing pitong gulang na si Kian Lloyd.
Ayon kay Public Attorney’s Office o PAO chief Persida Rueda-Acosta, malinaw na murder ang ginawa ng mga pulis sa binatilyo.
Sinabi ni Acosta na tatlong “fatal gunshot wounds” ang nakita sa bangkay ni Kian, at sa katunayan ay isang “very dangerous wound” ang isa sa mga ito.
Aniya, dalawa ang tama ng bala ng baril sa ulo ni Kian at mayroon ding isa sa likod.
Pagtitiyak ni Acosta na hindi kinukunsinti ng PAO kung may pag-abusong ginawa ang mga pulis.
Si Acosta ay personal na nagtungo sa burol ni Kian, at ininspeksyon ang lugar kung saan bumulagta ang katawan ng binatilyo makaraang pagbabarilin ng mga pulis sa isang anti-drug operation.
Kaugnay nito, pumalag ang pamilya Delos Santos sa akusasyon na pamilya sila ng drug pusher.
Ayon sa ina ni Kian na si Lorenza Delos Santos, nagsisinungaling ang mga pulis dahil takot silang panagutan ang ginawa nilang pagpatay sa kanilang anak.
Iginiit nya rin na malinis ang kanilang pamumuhay at wala itong bahid ng iligal na gawain katulad ng sinasabi ng mga pulis.
Dagdag pa ng ni Lorenza na nagtrabaho bilang OFW sa Riyadh, dinudumihan ng mga pulis ang pangalan ng pamilya nila para mapagtakpan ang ginawa nilang pagpatay.
Samantala, hindi na pinatulan pa ng ama ni Kian ang naging pahayag ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na nagsisilbing drug courier ito.
Base naman sa pagtatanong ng Radyo Inquirer kung naniniwala ba sila na drug courier si Kian, nanindigan sila sa kanilang pagkakakilala sa binatilyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.