Anak ng dating heneral na namaril sa Quezon City, sinampahan ng patung-patong na kaso ng QCPD

shooting-van-white plains
Inquirer File Photo

Sinampahan na ng reklamo ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang suspek na si Jose Maria Abaya na bigla na lamang namaril ng van sa bahagi ng White Plains Quezon City noong Martes ng gabi.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni QCPD-CIDU Head, Chief Supt. Rodel Marcelo na kasong murder, dalawang bilang ng kasong frustrated murder, at dalawang bilang ng kasong attempted murder ang isinampa laban kay Abaya.

Maliban sa nasabing kaso, sinampahan din ito ng kasong illegal possession of firearms dahil ang baril na ginamit niya ay hindi sa kaniya nakarehistro kundi sa isang Joseph Sy.

Sinabi ni Marcelo na kagabi isinailalim sa inquest proceedings si Abaya. “Sa pagsasampa ng kaso, sinustain ng piskal ang demanda na inihain namin sa kaniya. Maraming dapat alamin sa naganap na pamamaril, yung baril na ginamit niya nakarehistro sa isang Joseph Sy,” ayon kay Marcelo.

Napag-alaman naman ng QCPD na mayroon pang dalawang baril si Abaya na nakarehistro sa kaniyang pangalan.

Kasabay nito, sinabi ni Marcelo na hindi maaring ikatwiran na wala sa matinong pag-iisip si Abaya ng kaniyang isagawa ang pamamaril.

Ayon kay Marcelo, matino at maayos ang mga sagot ni Abaya sa mga tanong ng mga tauhan ng QCPD kaya hindi puwedeng sabihin na wala siya sa katinuan. “Hindi mo rin masasabi na wala siya sa matinong pag-iisip kasi ‘pag kinausap mo siya nakakasagot siya ng tama. At ang pagsuko niya dito sa QCPD ay malinaw iyon na alam niya ang ginagawa niya,” dagdag pa ni Marcelo.

Isang pasahero ng van na kinilalang si Joy Santos ang nasawi sa pamamaril ni Abaya, habang ginagamot pa rin sa ospital sina Ronbert Anzares Ycot at Duke Angelo David.

Si Ycot na driver ng van na pinagbabaril ni Abaya ay nasa kritikal pa ring kondisyon.

Ang suspek na si Abaya ay anak ni yumaong Police Constabulary General Antonio Abaya at kamag-anak ng dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Narciso Abaya.

Read more...