Ito ang inihayag ni Philippine National Police chief Director Gen. Ronald Dela Rosa batay na rin sa mga impormasyon mula sa hepe ng Caloocan City police.
Ayon kay Dela Rosa, batay sa impormasyon mula sa intelligence community, ang ama ni Kian na si Saldy Delos Santos ay kilalang siga sa kanilang lugar kung kaya takot ang ilan sa mga residente sa barangay na magsalita laban sa kanila.
Dagdag ni Dela Rosa, ginagamit mismo ng kanyang ama si Kian bilang courier kung kaya kilala ang pangalan niya na dawit sa iligal na droga.
Mismong si Saldy aniya na ama ni Kian ay gumagamit ng iligal na droga, at ang ilan sa kanilang kamag-anak ay kilalang drug pusher.
Inamin ni Dela Rosa na dismayado siya sa naging resulta ng operasyon ng mga pulis, lalo na’t naging dahilan ito ng pagkamatay ng menor de edad na suspek.
Pero iginiit ng PNP chief na ang nasabing police operation ay lehitimo dahil mayroong batayan ang mga alegasyon na sangkot sa droga si Kian.
Biktima lamang ang bata ng kanyang magulang, at sumusunod lang sa utos ng ama.
Sinabi ni Dela Rosa na kung nabigyan ng pagkakataon ang binatilyo na magbagong buhay at matuto na mali ang kanyang ginagawa, buhay pa sana ito ngayon.
Kasunod nito, inutusan na ni Dela Rosa ang PNP-Internal Affairs Service na agad imbestigahan ang nasabing kaso.
Bukod dito, ipinag-utos na din ng hepe ng pambansang pulisya ang pagkakasibak kay Caloocan City police chief Sr. Supt. Chito Bersaluna at tatlong iba pang pulis na sangkot sa drug operation.