Caloocan City PNP idiniin ng bagong saksi sa pagpatay kay Kian Delos Santos
Isa pang saksi ang lumutang para magpatunay na hindi nakipagbarilan kundi sadyang pinatay ang Grade 11 pupil na si Kian Lloyd Delos Santos.
Sinabi ng saksi na tumangging magbigay ng pangalan na nagmamakaawa pa ang biktima bago binaril ng mga pulis mula sa Caloocan City PNP.
Magugunitang ang biktimang si Delos Santos ay sinasabing nakipagbarilan sa mga pulis makaraan ang kanilang ginawang Oplan Galugad sa Brgy 160 sa nasabing lungsod noong Miyerkules ng gabi.
Bukod sa isang Cal. 45 baril, sinabi ng mga pulis na may nakuha rin silang dalawang sachet ng shabu mula sa biktima.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng naturang saksi na kitang-kita nya kung paano binitbit ng mga pulis ang biktima.
Umiiyak umanong nagsabi ang biktima na huwag siyang barilin habang nakaupos sa isang sulok pero hindi ito pinansin ng mga tauhan ng Caloocan City PNP.
Nauna nang sinabi ng ilang mga saksi na pilit na binigyan ng baril ang biktima bago pinatakbo ng mga pulis at saka binaril.
Sa isang kuha naman ng CCTV sa lugar ay makikita rin na bitbit ng mga pulis si Delos Santos taliwas sa kanilang pahayag na ito ay kanilang hinabol na nauwi sa barilan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.