Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang ginagawang “one time, big time” operations laban sa mga nasa likod ng sindikato ng droga sa bansa.
Ito ay sa kabila ng sunud-sunod na mga batikos sa kanila lalo na sa pagpatay umano ng ilang tauhan ng Caloocan City PNP sa isang binatilyo kamakailan na inuugnay rin sa illegal drugs.
Sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na hindi dapat huminto ang mga pulis sa pagdurog sa mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng droga sa bansa.
Nauna dito ay umabot sa 32 ang patay sa one time, big time operations ng PNP sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, sinundan ito ng 25 patay sa operasyon sa Maynila at 16 naman sa Northern Police District Office.
Hinamon rin ni Dela Rosa ang kanyang mga kritiko na batikusin rin ang mga nasa likod ng mga iligal na gawain sa bansa tulad ng mga drug lords.
Sa kabila nito, sinabi ng pinuno ng PNP na tuloy pa rin ang paglilinis sa mismong hanay ng mga pulis o yung mga tinatawag na police scalawags.