(Update) Inumpisahan na ang pag-assemble sa prototype MRT train na dumating sa bansa noong buwan ng Agosto.
Ang bagong light rail vehicle (LRV) na prototype ng MRT ay dumating sa bansa noong August 14, 2015.
Dinala na ito sa LRT depot sa Pasay City kahapon ng umaga para doon i-assemble bago naman dalhin sa depot ng MRT sa North Avenue sa EDSA.
Ang isang tren na mayroong tatlong bagon ay galing sa Dalian, China. Ang mga engineer mula sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Company ang magbubuo ng prototype train.
Sa sandaling matapos ang pag-assemble ay sasailalim sa testing ang MRT train hanggang sa buwan ng Nobyembre para malaman kung tutugma ito sa kasalukuyang signalling, power at communications system na ginagamit sa MRT.
Kung walang magiging problema sa gagawing testing sa LRV ay ipatutuloy na ang pagdeliver sa 48 pang LRVs mula China sa buwan ng Enero.
Noong January 2014, iginawad ng bids and awards committee ng DOTC sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Co. Ltd. CNR Group ng China ang pag-suplay sa 48 LRVs para sa MRT 3.
Nagkakahalaga ng kabuuang P3,759,382,400 ang nasabing mga tren.